Sasailalim sa administrative review ng Philippine National Police (PNP) ang pulis na sumagot at nagbitaw ng mga hindi angkop na pahayag sa pulong balitaan ng National Police Commission (NAPOLCOM), nitong Martes.
Ayon sa PNP, inimbitahan ang pulis na nakatalaga sa Rizal Provincial Police Office upang magpaliwanag kaugnay ng viral vehicular traffic incident sa Taguig City, pero naayos na sa pamamagitan ng amicable settlement.
Habang sumasagot sa media, nakapagbitiw ang pulis ng hindi angkop na komento laban kay NAPOLCOM Vice Chairperson and Executive Officer, Rafael Vicente Calinisan na nakaapekto naman sa daloy ng briefing.
Dahil dito, pinalabas siya sa briefing area dahil sa mainit nilang sagutan ng NAPOLCOM official.
Giit ng PNP, hindi nito kinukunsinti ang ano mang asal na sumisira sa disiplina at propesyonalismo ng mga pulis at tiniyak na dadaan sa kaukulang proseso ang insidente alinsunod sa umiiral na patakaran at due process. | ulat ni Jaymark Dagala