May ipatutupad na bawas singil sa tubig ang Maynilad para sa mga customer nito simula July 1, 2026.
Ito ay matapos aprubahan ang rekomendasyon ng MWSS Regulatory Office na ipatupad ang Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) para sa ikatlong quarter ng taon.
Ayon sa MWSS, magkakaroon ng tariff rollback na katumbas ng ₱0.25 kada cubic meter para sa customers ng Maynilad sa West Concession Area.
Katumbas ito ng bawas na ₱0.34 para sa mga regular na konsumer na gumagamit ng 10 cubic meters kada buwan, ₱1.29 para sa 20 cubic meters, at ₱2.66 para sa 30 cubic meters.
Samantala, walang magiging pagbabago sa singil ng Manila Water na nagseserbisyo sa East Concession Area dahil mas mababa sa isang sentimo kada cubic meter ang nakalkulang adjustment, na itinuturing na hindi praktikal na ipatupad.
Ang FCDA ay isang mekanismong sinusuri kada tatlong buwan para maibalik sa mga consumer o maipasa sa singil ang epekto ng pagbabago sa foreign exchange rates kaugnay ng mga pautang sa ibang bansa na ginagamit para sa pagpapalawak at pagpapahusay ng serbisyo sa tubig at wastewater. | ulat ni Merry Ann Bastasa