Photo by DSWD
Nagpapatuloy ang damage assessment ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI sa mga barangay ng Caburan Small, Caburan Big, Marabatuan, Magulibas, Meybio, at Carahayan sa bayan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental matapos ang malakas na lindol na tumama sa rehiyon.
Ayon sa DSWD, layunin ng assessment na matukoy ang lawak ng pinsala sa mga kabahayan, imprastraktura, at iba pang pasilidad upang magsilbing batayan sa agarang pagbibigay ng tulong at iba pang kinakailangang interbensyon para sa mga apektadong pamilya at komunidad.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon sa pangangailangan ng mga residente.
Samantala, naglagay na rin ang ahensya ng Mobile Command Center upang palakasin ang monitoring, koordinasyon, at komunikasyon para sa relief at disaster response operations.
Bukod dito, patuloy din ang distribusyon ng Family Food Packs sa mga apektadong pamilya sa probinsya.
Sa pinakahuling datos, may nakahandang ₱3 milyong standby funds ang DSWD XI. Maliban pa sa Family Food Packs, Ready-to-Eat Food Packs, at non-food items.
Ayon sa ahensya, nagpapatuloy ang monitoring sa mga apektadong lugar upang matiyak ang agarang pagbibigay ng karagdagang suporta at ayuda sa mga pamilyang nangangailangan. | ulat ni Sheila Lisondra Celocia | Radyo Pilipinas Davao