Photo by DICT
Agad na nag-deploy ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng mga Starlink kit, charging stations, at libreng internet services sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani.

Ito ay sa pamamagitan ng Government Emergency Communications System o GECS at Free Public Internet Access Program na layong masuportahan ang mga emergency response operation sa mga apektadong komunidad.

Kabilang sa mga lugar na kinabitan ng libreng internet access ang Glan Municipal Plaza sa Glan, Sarangani; Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa Alabel; evacuation center sa Maasim; Incident Management Team ng General Santos City at Koronadal City; Office of Civil Defense Regional Office 12 sa General Santos City; at Balut Island sa Sarangani.

Inaasahang makatutulong ang libreng internet service para mapadali ang pagkuha ng impormasyon, at koordinasyon ng mga responder sa mga lugar na naapektuhan ng lindol at pakikipag-ugnayan ng mga residente sa kanilang mga pamilya.#