Nagpadala ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis team ang pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na Mindanao upang tumulong sa emergency response at relief operations.
Ayon kay Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Mel Senen Sarmiento, ito ay bilang suporta ng BARMM sa nagpapatuloy na disaster response ng pamahalaan sa SOCCSKSARGEN at Davao Region.
Ani Sarmiento, batay sa initial assessment, kabilang sa mga pinakaapektadong lugar ang Sarangani at General Santos City.
Sa ngayon, nakapagtayo na rin ng Incident Command Post sa General Santos City at tiniyak ng kalihim na nakahanda nang maghatid ng tulong sa mga biktima ang contingent ng BARMM.
Samantala, inatasan din ng OPAPRU ang Local Conflict Transformation–Field Implementation Support Office Mindanao na magsagawa ng rapid assessment sa mga apektadong komunidad, kabilang ang mga dating rebelde at kanilang mga pamilya, upang matiyak na maipaabot sa kanila ang kinakailangang tulong ng pamahalaan.