Nasa kustodiya na ngayon ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang driver ng SUV na sangkot sa hit-and-run incident na ikinasugat ng isang pulis sa South Luzon Expressway (SLEX).
Ayon kay HPG Director Police Brigadier General Romel Batangan, sumuko kahapon ang 21 taong gulang na Indian-Filipino national na sangkot sa insidente.
Bago ito sumuko, natunton muna ng mga awtoridad ang SUV na ginamit nito sa Antipolo City.

Sa kanyang pahayag, sinabi ng driver na nataranta siya matapos mabangga ang pulis kaya niya ito iniwan sa pinangyarihan ng insidente.
Iginiit din nito, na hindi niya sinadyang mabangga ang biktima at nag-overtake lang siya.
Nagtamo naman ng minor injuries ang biktimang si Patrolman Jeric Aya-ay matapos siyang mabangga sa bahagi ng SLEX sa San Pedro, Laguna noong June 6.
Nauna nang sinabi ng pulis na nabulaga siya sa pagbangga ng SUV at bigla siyang bumagsak.
Humingi na rin ng paumanhin ang driver sa nasugatang pulis.
Samantala, sinabi ng HPG na sasampahan ng patong patong na reklamo ang driver na abandonment of one’s victim, reckless imprudence resulting in physical injuries, at damage to property.