Ginarantiyahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang pangangailangan na magsagawa ng loyalty check sa mga sundalo.
Pahayag ito ni Communication Usec. Claire Castro kasunod ng babala ni Senator Ping Lacson na lumalakas ang “frustration” sa armed services sa gitna ng iba’t ibang isyu sa bansa.
Ayon kay Castro, sinabi ng AFP na wala naman itong nakukuhang anomang impormasyon hingil dito.
Gayunpaman, dahil mayroon aniyang mga ganitong ugong, patuloy rin na mag babantay ang kanilang hanay.
Tiniyak aniya ng sandatahang lakas na nananatiling nagkakaisa at propesyunal ang kanilang hanay, lalo na ang kanilang tungkulin sa taumbayan.
“Ang sabi po mismo ng pamunuan ng AFP ay wala silang nakukuhang anumang detalye o impormasyon patungkol dito. Pero siyempre may ugung-ugong, at ito naman din ay kanilang binabantayan. But as of now, ang miyembro po ng AFP ay nananatiling active, united at professional, at hindi po kinakailangan – according to AFP – ng loyalty check dahil alam po nila ang kanilang mandato para sa bayan na naaayon sa konstitusyon.” —Castro. | ulat ni Racquel Bayan