Naninindigan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na diplomasya at diyalogo pa rin ang pinakamabisang paraan sa pagresolba ng mga isyu sa pagitan ng mga bansa, kasunod ng iniulat na pag-ban ng China kay Defense Secretary Gilbert Teodoro at kanyang pamilya na makapasok sa kanilang bansa.
Sa ambush interview matapos ang pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, na bagama’t itinuturing nilang sovereign right ng China ang naturang hakbang, hindi ito nakatutulong sa maayos na ugnayan ng mga bansa.
Ayon kay Lazaro, hindi plano ng Pilipinas na gumanti sa pamamagitan ng sanctions o katulad na hakbang laban sa sino mang opisyal ng China. Sa halip, iginiit niyang mas pinaniniwalaan ng bansa ang pag-uusap at diplomasya kaysa sa pagpapataw ng parusa.
Sinabi rin ng kalihim na kakikilala pa lamang nila sa isyu at nakatakdang talakayin ito nang maayos sa mga kinauukulang awtoridad ng China.
Laman naman ng naging talumpati ni Sec. Lazaro para sa Araw ng Kalayaan, sinabi nito na patuloy na isinusulong ng Pilipinas ang pagtatanggol sa soberanya at pambansang interes sa pamamagitan ng diplomasya, kabilang ang pagtataguyod sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea alinsunod sa international law.#