Nagmartsa at nagkilos-protesta ang iba’t ibang grupo at sibikong organisasyon sa tanggapan ng Embahada ng China sa Pilipinas sa Gil Puyat Avenue sa Makati City.
Ito ay upang ipanawagan, kasabay ng paggunita ng bansa sa Araw ng Kalayaan, ang tuluyang kalayaan laban sa agresyon, pangha-harass, panghihimasok, at mga ilegal na istruktura ng pamahalaan ng China sa Bajo de Masinloc na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ayon sa Filipinos Do Not Yield Movement at iba pang grupo, hindi dapat maulit sa Bajo de Masinloc ang nangyari sa Mischief Reef na kalaunan ay ginawang militarisadong artipisyal na isla ng China.
Iginiit din ng grupo ang paggalang sa United Nations Convention on the Law of the Sea at sa 2016 Arbitral Award na nagpapatibay sa mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone nito.
Paninindigan ng grupo na ang Bajo de Masinloc ay para sa mga Pilipino at dapat patuloy na ipagtanggol para sa kabuhayan, seguridad, pambansang dignidad, at kinabukasan ng susunod na salinlahi.
Kasabay nito, nagbigay-pugay naman ang grupo sa administrasyong Marcos Jr., kabilang ang Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines, Department of Foreign Affairs, Philippine Coast Guard, at iba pang kaukulang ahensya dahil sa kanilang maagap at matatag na pagtugon sa mga ilegal na gawain ng China sa West Philippine Sea.