Nagsagawa ng isang makabuluhang aktibidad ang Jovellar Municipal Police Station (MPS) bilang pakikiisa sa paggunita ng World Day Against Child Labor sa Barangay Mabini, Jovellar.
Ayon kay Police Captain Rommel Aringo, Officer-in-Charge ng Jovellar MPS, kabilang sa mga isinagawang gawain ang mga tradisyunal na laro ng lahi at pamamahagi ng mga school supplies para sa mga kabataan sa barangay. Tinatayang mahigit 50 kabataan ang nakilahok at nakiisa sa nasabing aktibidad.
Sinabi ni Aringo na layunin ng programa na palawakin ang kamalayan ng mga bata, magulang, at komunidad hinggil sa kahalagahan ng pagprotekta sa mga kabataan laban sa child labor o maagang pagtatrabaho. Dagdag pa niya, mahalagang mabigyan ang mga bata ng pagkakataong makapag-aral, makapaglaro, at makaranas ng ligtas at maayos na pagkabata.
Binigyang-diin din niya na ang aktibidad ay naglalayong hikayatin ang komunidad na makiisa sa pagsusulong ng karapatan ng mga bata at pagtitiyak na sila ay mapoprotektahan laban sa anumang uri ng pagsasamantala at mapanganib na paggawa.
Nagpasalamat naman ang mga magulang at mga residente sa inisyatiba ng kapulisan na hindi lamang naghatid ng saya sa mga kabataan kundi nagbigay rin ng mahalagang impormasyon tungkol sa karapatan at kapakanan ng mga bata.
Patuloy naman ang Jovellar MPS sa pagsasagawa ng mga programang nakatuon sa kapakanan ng kabataan bilang bahagi ng kanilang adbokasiya para sa isang ligtas at maunlad na komunidad.
📸 Jovellar MPS


