Higit sa kalahati ng mga Pilipino ang bukas sa posibilidad na magtrabaho o tumira sa ibang bansa kung magkakaroon ng pagkakataon, ayon yan sa survey ng OCTA Research.
Sa isinagawang Tugon ng Masa survey, lumalabas na 57% ng mga Pilipino ang nagsabing handa silang mangibang-bansa, 39% ang hindi, habang 4% ang undecided.
Nasa 67% ng respodents na nagsabing handa silang magtrabaho abroad ay dahil sa mas magandang oportunidad sa trabaho; 61% ang idinahilan ang mas mataas na sahod, at 58% ang nagsabing dahil sa magandang kalidad ng buhay.
Lumabas din sa survey na 81% ng mga nais magkaroon ng oportunidad sa ibang bansa ang nasa edad 18 hanggang 24 at mataas din ito sa mga college graduate at mga nakatira sa urban areas.
Ayon sa OCTA, ipinapakita ng survey na tinitingnan ng maraming Pilipino ang migration bilang daan sa mas magandang oportunidad.
Dahil dito, malinaw umano ang hamon sa gobyerno na lumikha ng dekalidad na trabaho, at mas maraming oportunidad sa loob ng bansa para mahikayat ang mga Pilipino na manatili rito.
Isinagawa ang Tugon ng Masa (TNM) Survey mula March 19-25 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Adult Filipinos.