Habang patuloy ang pamamahagi ng food packs, inihahanda na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paglarga ng cash assistance sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ito ang sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian matapos niyang bisitahin ang Glan, Sarangani para personal na tutukan ang nagpapatuloy na disaster response operations sa lugar.
Ayon sa kalihim, nakarating na sa 23,000 apektadong pamilya sa Glan ang unang bugso ng Family Food Packs (FFPs) bilang agarang tulong sa mga residente.
Aniya, magpapatuloy pa ang pamamahagi ng food packs na target umabot sa 60,000 sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo.

Kasunod nito, sinabi ni Sec. Gatchalian na sisimulan na rin ng DSWD ang pag-transition mula food assistance patungo sa Emergency Cash Transfer (ECT) para matulungan ang mga pamilya sa kanilang mga agarang pangangailangan gaya ng pagkukumpuni ng bahay at pagbili ng iba pang kinakailangang gamit.
Ayon sa kalihim, isasagawa rin ang cash assistance sa iba pang lugar na naapektuhan ng lindol kabilang ang iba pang bayan sa Sarangani, Davao Occidental, at General Santos City sa sandaling makumpleto ang listahan mula sa mga lokal na pamahalaan.

