Iginiit ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na hindi kikilalanin ng Senado ang anumang pagdinig o imbestigasyon na isinasagawa sa labas ng opisyal na Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Erwin Tulfo.
Ayon kay Gatchalian, iisa lamang ang kinikilalang Blue Ribbon Committee ng Senado at ito ay ang kumiteng pinamumunuan ni Tulfo.
Aniya, ang anumang pagdinig o imbestigasyon na isinasagawa sa labas nito ay walang ligal na batayan, walang institusyonal authority, at hindi kikilalanin ng Senado.
Ipinaliwanag ng senador na seryosong usapin ang paglalantad ng katiwalian at pananagutin ang mga sangkot sa korapsyon kaya nararapat lang na ito ay gawin sa isang lehitimo, maayos, at opisyal na forum.
Kasabay nito, muling nanawagan si Gatchalian sa mga testigo at resource persons na humarap at magbigay ng kanilang testimonya sa opisyal na pagdinig ng Blue Ribbon Committee.
Binigyang-diin pa niya na nananatiling nakatuon ang Senado sa wastong pag-iimbestiga at pag-uusig sa mga kaso ng korapsyon sa tamang proseso at tamang forum.
Ayon kay Gatchalian, ito ang pangako ng Senado sa sambayanang Pilipino upang matiyak ang pananagutan at integridad sa pamahalaan.