Nilinaw ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Senador Erwin Tulfo na walang pagdinig ang kanilang komite bukas, June 16.
Ito ay taliwas sa isang social media post ni dating Representative Mike Defensor na nag-anunsyong may hearing bukas ang Blue Ribbon Subcommittee, na pinamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta, sa isang lugar sa EDSA.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Tulfo na ang inanunsyong hearing ni Defensor ay walang awtoridad at pag-apruba ng Blue Ribbon Committee.
Pinaalala ni Senador Erwin na sa ilalim ng Senate rules, ang anumang legislative proceedings ay dapat magkaroon ng isang pormal na 3-day notice at ipamamahagi ang agenda bago ang anumang pagdinig.
Binigyang-diin rin ng senador na hindi miyembro ng Senado o ng Blue Ribbon si Defensor kaya wala itong legal standing na mag-anunsyo ng anumang Senate proceedings.
Hindi aniya papayagan ng Blue Ribbon Committee ang anumang misrepresentation o paggamit sa pangalan ng komite ng walang awtoridad.
Hinikayat rin ni Tulfo ang publiko na dumepende lang sa mga opisyal na anunsyo at advisories mula sa Blue Ribbon Committee at sa Senado ng Pilipinas.