Welcome kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang “special session” ng Kongreso.
Ayon kay Dy, handa ang Kamara na tumalima sa direktiba ng Pangulo upang maipagpatuloy ang pagpasa ng mga panukalang batas na direktang pakikinabangan ng taumbayan.
Binigyang-diin din ng Speaker na ilan sa mga tinukoy sa Proclamation No. 1318—na siyang batayan ng pagtawag ng special session—ay mga panukalang naaprubahan na ng Kamara bago pa ang sine die adjournment.
Umaabot na sa 26 na hakbang sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) Common Legislative Agenda ang naipasa ng Kapulungan noong June 3.
Ayon pa sa lider ng Kamara, ang panawagan ng Pangulo para sa special session ay patunay ng kanyang patuloy na commitment na isulong ang mga reporma para palakasin ang serbisyong panlipunan, paghusayin ang pamamahala, pasiglahin ang economic growth, at palawakin ang oportunidad para sa mga Pilipino.
Samantala, sinabi ni House Majority Leader Sandro Marcos na layunin ng special session na palawakin ang access sa edukasyon, patatagin ang suporta para sa mga vulnerable sector, at paghusayin pa ang mga serbisyong pangkalusugan sa bansa.
Giit niya, handa ang Kamara na makipagtulungan sa Senado at Ehekutibo upang maisulong ang mga hakbang na mas pakikinabangan ng taumbayan.