Posibleng payagan sa impeachment rules ang paghaharap ng surprise witnesses sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kina House prosecutors Batangas Rep. Gerville Luistro at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora na possible ito para sa kanilang panig at depensa basta naideklara ang mga ito sa pre-trial conference.
Ito ang tugon ng panel matapos tanungin kung maghaharap ba sila ng bank officials bilang testigo.
Ayon kay Zamora, maaaring ilahad lamang sa pre-trial ang posisyon ng mga testigo at ang magiging papel nila sa kaso, lalo na kung may kinalaman sa sensitibong impormasyon tulad ng mga bank officials.
Ang hakbang ay para na rin sa seguridad at proteksyon ng mga testigo.
Samantala, sinabi naman ni Luistro, na ang ganitong patakaran ay hindi lamang para sa mga testigo kundi maging sa ilang ebidensya na hindi pa agad magagamit sa pre-trial.