Photo courtesy of Alsons Power Group
Naibalik na ng Alsons Power Group ang operasyon ng ikalawang generating unit ng Sarangani Energy Corporation (SEC) matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao.
Ayon kay Alsons Power Chief Executive Officer Antonio Miguel Alcantara, matagumpay na na-synchronize sa power grid ang Unit 2 noong June 14, kasunod ng pagbabalik-operasyon ng Unit 1 noong June 11.
Ang Sarangani Energy Corporation ay nagpapatakbo ng 237-megawatt coal-fired power plant sa Maasim, Sarangani na nagsusuplay ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Sinabi ni Alcantara na nagsagawa ang kanilang mga tauhan ng masusing inspeksyon at pagkukumpuni upang matiyak ang ligtas at maaasahang pagbabalik ng operasyon matapos ang lindol.
Patuloy rin aniyang nagsasagawa ng pagsusuri at pagkukumpuni ang kumpanya sa mga pasilidad nito, habang nagbibigay ng tulong sa mga empleyado at komunidad na naapektuhan ng sakuna.