Nilinaw ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na hindi tinatalakay ng prosecution panel ang kung paano o saan ginagamit ang mga armas ng mag-asawang Duterte-Carpio.
Paliwanag ni Ridon, ang usapin ay nakasentro sa umano’y kabiguan ni Vice President Sara Duterte na ideklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang tinatayang 50 armas na nagkakahalaga ng milyon-milyon.
Ayon sa kanya, pangunahing tinitingnan ng prosekusyon ay kung bakit hindi naisama ang mga baril sa isinumiteng SALN ng Bise Presidente, na bahagi ng impeachment case.
Hiwalay din aniya itong susuriin kung makaaapekto ang halaga ng mga armas sa kabuuang net worth na idineklara sa iba’t ibang SALN ni Duterte.
Tinukoy din niya ang posibilidad na isinama lamang ang mga ito sa “Others” category ng SALN nang walang sapat na detalye, na aniya’y taliwas sa hinihinging transparency.
Binigyang-diin ng mambabatas, na kailangang malinaw at detalyado ang bawat asset na inilalagay sa SALN upang matukoy ang aktwal na pag-aari ng isang opisyal ng gobyerno.