Mas pinalakas pa ng Department of Education (DepEd) ang mga patakaran para sa localized classroom building program kasabay ng pagsisimula ng mga proyektong pang-imprastraktura ng 79 na katuwang na local government units (LGUs).
Bagaman nagiging mas mabilis at tugma ang pagtugon sa kakulangan ng silid-aralan kapag binibigyang-kapangyarihan ang mga lokal na pinuno, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na dapat pa rin itong tapatan ng buong katapatan at malinis na pamamahala.

Aniya, pangangasiwaan ng DepEd ang mga proyekto sa pamamagitan ng bagong tatag na Joint Project Implementation and Construction Committee, upang matiyak ang pananagutan sa gastusin sa pagtatayo ng mga paaralan.
Obligado na ngayon ang mga LGU na gamitin ang INSIGHTED na isang real-time digital validation and monitoring system na dinisenyo upang i-track ang takbo ng konstruksyon at iwasan ang anumang pagkaantala.

Giit ng DepEd, lahat ng proyektong hawak ng LGU ay dapat sumunod sa technical standards ng DepEd, safety protocols, at sa probisyon ng New Government Procurement Act.
Nabatid na sa localized classroom building program, paiigtingin ng DepEd ang pangangasiwa at bibilisan ang pagbabantay upang matiyak na sumusunod ang mga lokal na proyekto sa takdang-panahon, digital validation, at mahigpit na pamantayang piskal.