Walang balak makialam ang House Prosecution Panel kung sinuman ang mapili ng Senado na tatayong Presiding Officer sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang tiniyak ni House Trial Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong matapos ibunyag ni Sen. Panfilo Lacson na napipisil ng Senate Majority ang beteranong abogadong-senador na si Francis “Chiz” Escudero para mamuno sa naturang makasaysayang paglilitis.
Matatandaan na noong 19th Congress, umani ng batikos at iba’t-ibang reaksyon ang Senado sa ilalim ng pamumuno ni Escudero dahil sa naging usad-pagong na paghawak nito sa unang Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Adiong, buong-pusong igagalang at tatalima ang Kamara sa pinal na desisyon ng Senado dahil labis nilang nirerespeto ang institutional independence at kapangyarihan ng mataas na kapulungan na mag-amyenda ng sarili nilang rules.
Aniya, ang mahalaga ay maging mabilis at patas ang paglilitis para masagot na ang mga tanong ng publiko at magkaroon na ng tuluyang closure sa kasong ito. | ulat ni Melany Reyes