Bilang una o may pinakamaraming seafarers onboard sa iba’t ibang commercial shipping sa buong mundo, naimbitahan ng European Unions Critical Maritime Routes Project (EU CRIMARIO) ang Pilipinas, sa pangunguna ng Maritime Industry Authority (MARINA), upang ipahayag ang perspektiba ng bansa patungkol sa mga maritime activity sa Indo-Pacific Region.
Ayon kay MARINA Spokesperson, Director Luisito Delos Santos, ang ika-apat na Steering Committee ng EU CRIMARIO sa International Organization for Remote Sensing of the Earth (IORS) ang pinakamataas na Policy Making Board na proyekto ng European Union.
Sinabi ni Director Delos Santos, sa panayam nito ng Radyo Pilipinas World Service, na layunin nitong paigtingin ang maritime security sa Indo-Pacific dahil nang makita nila ang kahalagahan ng Flag State Administration ay nais nila itong mabigyan ng proteksyon sa kanilang paglalayag.
Ani Delos Santos, una nang nadaluhan ng Coast Guard at Navy ang aktibidad at ngayon lamang napabilang ang seafarers authority.
Dagdag pa ni Director Delos Santos, gumawa na ang EU CRIMARIO ng isang web-based platform para sa mga bansang miyembro nito kaya sa naturang pagpupulong, iminungkahi niya ang isang digital platform system na tutulong para sa mga Filipino seafarer, maging sa international navigation system upang direktang makakonekta ang mga mandaragat sa iba’t ibang maritime authorities saan mang panig ng rehiyon.