Sinimulan na ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC)-12 ang pagbuo ng Early Recovery Plan para sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Soccsksargen.
Kasunod ito ng isinagawang Executive Committee Meeting ng konseho upang matiyak ang maayos na paglipat mula sa relief at response operations patungo sa rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad.
Kabilang sa mga prayoridad ang pagkukumpuni ng mga nasirang kalsada at tulay sa Sarangani upang mapabilis ang paghahatid ng tulong at serbisyo.
Sa General Santos City naman, nananatiling hamon ang rehabilitasyon ng mga pampublikong paaralan matapos maitalang mahigit 1,465 silid-aralan ang napinsala ng lindol.
Ayon kay RDRRMC-12 Chairperson at Office of Civil Defense (OCD)-12 Regional Director Rodrigo Sosmeña, isasapinal ang Early Recovery Plan sa pakikipagtulungan ng mga local government unit at iba pang ahensya upang magsilbing gabay sa pagbangon ng mga apektadong lugar.