Nagpadala na ang Philippine Red Cross ng humanitarian caravan para sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani Province.
Ngayong araw, Hunyo 20, bumiyahe ang relief convoy patungong Barangay Burias sa bayan ng Glan upang maghatid ng agarang tulong sa mga residente.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, layunin ng operasyon na magdala ng life-saving aid, serbisyong medikal, at iba pang kinakailangang suporta sa mga apektadong pamilya.
Kabilang sa ipinadalang mga sasakyan ang ambulansya, Volunteer Emergency Response Vehicle ng General Santos Chapter, Bakuna Bus, food truck para sa mainit na pagkain, at isang 6×6 truck na may kargang relief supplies.
Nagkaisa ang iba’t ibang PRC chapters sa Mindanao upang matiyak na mabilis na maipararating ang tulong sa mga komunidad na patuloy na bumabangon mula sa epekto ng malakas na lindol.