Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) na maaaring hindi na nito kayaning ituloy ang November 2 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sakaling maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Supreme Court laban sa postponement ng halalan.
Sa pagdinig ng senate subcommittee on finance para sa panukalang 2027 budget ng ahensya, sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na tinigil na ng poll body ang paghahanda para sa halalan matapos maisabatas ang RA 12326 na nagpapalawig sa termino ng barangay at SK officials sa limang taon at naglilipat ng halalan sa November 2028.
Kasama rito ang paghinto sa mga aktibidad para sa filing of certificates of candidacy, na orihinal na nakatakda hanggang October 5.
Sinabi ni Garcia na kung biglang mag-uutos ang SC na ituloy ang November 2 elections, kailangan pa ng COMELEC ng panahon para maglabas ng resolusyon at magsagawa ng information dissemination sa buong bansana maaaring umabot ng dalawang linggo.
Gayunman, sinabi ni Garcia na handa ang COMELEC sa anumang magiging utos ng Supreme Court.
Aniya, maaari ring gamitin ng COMELEC ang probisyon sa omnibus election code tungkol sa force majeure at posibleng pagpapalawig ng election period, depende sa magiging desisyon ng korte.
Samantala, sinabi ni Garcia na nasa ₱8 bilyon na ang nagastos ng COMELEC para sa paghahanda sa 2026 Barangay at SK elections, habang maaaring gamitin sa 2028 national at local elections ang nasa P11 billion unexpended funds mula sa ipinagpalibang halalan. | ulat ni Nimfa Asuncion