Nananatiling mataas ang morale ng mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito ay kahit nasuspinde ang Rotation and Resupply (RoRe) mission dahil sa panghaharang ng mga barko ng China.
Sa panayam ng media sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Special Spokesperson for the West Philippine Sea Retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, may sapat pang suplay ang mga sundalo.
Sanay na rin daw sila sa biglaang pagbabago at pagkaantala ng mga aktibidad dahil kaakibat ito ng kanilang tungkulin.
Samantala, sinabi ni Trinidad na sinusuri nila ang lahat ng aspeto ng seguridad, mula communication, physical at document security hanggang personal security, upang masigurong walang “leak” sa kanilang mga operasyon.
Matatandaang nasa 60 nautical miles pa lang mula sa Ayungin Shoal nang humarang ang mga barko ng People’s Liberation Army Navy at China Coast Guard sa M/V Lapu-Lapu at tatlong support vessel ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard.
Dahil dito, hindi naihatid ang suplay para sa mga tauhan sa BRP Sierra Madre.
Tiniyak naman ng AFP na magpapatuloy ang pagtupad nito sa mandatong panatilihin ang presensya ng mga tauhan sa BRP Sierra Madre at ipaglaban ang legal na karapatan ng bansa sa loob ng maritime zones nito. | ulat ni Diane Lear