Ibinasura ng Korte Suprema ang magkakahiwalay na petisyon na inihain nina Atty. Victor Rodriguez, Berteni Cataluña Causing, at Atty. Ernesto Francisco Jr. na kumukuwestiyon sa interpretasyon ng Senado sa kinakailangang boto para sa hatol sa impeachment.
Sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, hindi na nito tinalakay ang merito ng mga argumento at sa halip ay ibinasura ang mga petisyon dahil sa mga procedural reasons tulad ng kawalan ng legal standing at pagiging premature ng mga ito.
Iginiit ng mga petitioner na dapat bilangin sa botohan ang lahat ng 24 senador, kahit ang mga nakakulong, may sakit, o pansamantalang hindi makadalo.
Kaya kinakailangan anila ng 16 boto o 2/3 ng mga mambabatas para sa conviction. Pero dahil sa pagbasura ng Korte Suprema sa mga petisyon, nananatiling umiiral ang interpretasyon ng Senado hinggil sa voting threshold sa impeachment proceedings.