Nagpapatuloy ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office IX sa pagsasagawa ng profiling at assessment sa 750 Returning Filipinos from Sabah (RFS) na kasalukuyang nanunuluyan sa Processing Center for Displaced Persons (PCDP) sa lungsod ng Zamboanga.
Pinamunuan ng mga social worker ng ahensya ang nasabing aktibidad, kung saan, bukod sa pagkalap ng personal na impormasyon, sinuri rin ang mga pangangailangan at kalagayan ng bawat RFS.

Layunin nitong matukoy ang mga angkop na interbensyon at mga available na asistensiya na maibibigay sa bawat indibidwal.
Nagsisilbi rin itong batayan sa pagtukoy sa mga indibidwal na kwalipikado para sa iba pang social welfare na interbensyon, habang pinangangasiwaan ang kanilang dokumentasyon, validation, at referrals sa mga kaukulang ahensya para sa nararapat na suporta.
Nagsagawa rin ng kani-kanilang mga profiling activity ang iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Health (DOH), Department of Migrant Workers (DMW) Region IX, at Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pamamagitan ng inisyatiba, tinitiyak ng DSWD IX na matatanggap ng mga returning Filipino ang napapanahong asistensiya, habang tinutugunan ang kanilang mga pangangailangan at sinusuportahan ang kanilang reintegrasyon sa lipunan.
📷 DSWD Field Office IX