Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at National Bureau of Investigation (NBI) ang isang investment at love scam hub sa magkahiwalay na operasyon sa Bohol.
Ayon sa PAOCC, isinagawa ang operasyon noong Nobyembre a-10 at a-11 sa mga lugar ng Panglao at Dauis sa bisa ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data na inilabas ng isang Regional Trial Court sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Katuwang ng dalawang law enforcement agency sa operasyon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Nagresulta ito sa pagkaka-aresto sa 31 indibidwal na hinihinalang sangkot sa investment, cryptocurrency, at romance scam operation.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, natuklasang organisado ang naturang grupo na gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan para makapangbiktima gamit ang cryptocurrency at iba pang financial channels.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang daan-daang computer, mobile phone, SIM card, Starlink communication equipment, mga financial record, at mga nakahandang messaging script na umano’y ginagamit upang makapanloko.
Lumabas din sa paunang digital forensic examination ng mga awtoridad ang mga financial dashboard, transaction record, at ledger na nagkahalaga ng humigit kumulang na $10 milyong dolyar.
Ayon kay PAOCC Executive Director, Undersecretary Benjamin Acorda Jr., posibleng may kaugnayan ang nalansag na scam hub sa dati nang sinalakay sa Cambodia base sa mga nakuhang dokumento ng ilan sa mga naaresto.


