Pangkalahatang naging mapayapa ang pagbubukas ng 49th ASEAN Summit and Related Summits kahapon, November 15 at magpapatuloy ang operasyong pangseguridad ng Philippine National Police (PNP) mula ngayon hanggang sa Miyerkules, November 18.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nagpasalamat siya sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na tulong-tulong sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan ng pagtitpon.
Gayunman, sinabi ni Nartatez na tuloy-tuloy ang kanilang trabaho dahil sa pag-arangkada ng mga pagpupulong mula ngayong araw kaya kailangang manatiling alerto at handa.
Kahapon, binisita ng PNP Chief ang Multi-Agency Coordinating Center (MACC) sa Philippine Trade Training Center sa Pasay City para i-monitor ang sitwasyon at i-assess ang ugnayan sa iba pang ahensya.
Kaniyang ipinag-utos sa mga kinauukulang yunit ng Pulisya na panatilihin ang ugnayan, Police visibility, at tumugon sa anumang uri ng security concerns sa kabuuan ng pagtitipon.
Kaniya ring pinaalalahanan ang mga pulis na gampanan ang kanilang tungkulin nang may disiplina, propesyunalismo, kortesiya, at paggalang sa publiko.
Kasalukuyang nakataas ang FULL Alert status sa National Capital Region, Central Luzon at CALABARZON gayundin ay minobilisa rin ang mga Crame based personnel para masigurong mapayapa at maayos na maidaraos ang mga pagpupulong.

