Puspusan ang paggalugad ng mga operatiba ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa mga iligal na bentahan ng produktong petrolyo sa bansa.
Alinsunod ito sa atas ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na paigtingin ang kanilang law enforcement operation laban sa iligal na aktibidad.
Noong isang linggo, sinalakay ng CIDG Regional Field Unit 12 sa pakikipag-ugnayan sa Department of Energy (DoE) ang dalawang iligal na gasolinahan sa Alabel, Sarangani.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng dalawang suspek gayundin ang pagkakakumpiska sa dalawang portable fuel dispensers na naglalaman ng nasa humigit kumulang 623 litro ng petrolyo na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱1.3 milyong piso.
Inaresto ang dalawa matapos mabigong magpakita ng kaukulang permit sa mga awtoridad gaya ng Certificate of Compliance mula sa Energy Department.
Binigyang-diin ni CIDG Director, PMGen. Robert Alexander Morico II na paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 ang anumang uri ng pagbebenta at pamamahagi ng mga produktong petrolyo nang walang kaukulang lisensya o permiso mula sa mga awtoridad.

