Photo courtesy of PRIB/Cesar Tomambo
Nanindigan ang House Prosecution Panel na hindi dapat personalidad ni dating Senador Antonio Trillanes ang maging batayan sa paghusga sa kanyang magiging testimonya sa impeachment trial kundi ang mga impormasyong ilalahad nito sa pagdinig.
Ito ang sinabi ni House Prosecutor Terry Ridon sa gitna ng nakatakdang pagharap ni Trillanes bilang testigo sa impeachment trial.
Ayon kay Ridon, mahalaga kung makatatagal sa cross-examination ang testimonya ni Trillanes, anuman ang pananaw o opinyon ng ilang senator-judge tungkol sa dating senador.
Inamin ng prosecution na maaaring kuwestiyunin ng depensa ang kredibilidad o integridad ni Trillanes dahil sa mga nakabinbing kasong kinahaharap nito, ngunit handa silang harapin ang anumang objection sa oras na siya ay tumestigo.
Giit ni Ridon, hiwalay ang impeachment proceedings sa iba pang kasong kinahaharap ni Trillanes, kaya hindi awtomatikong nangangahulugan ang mga ito na hindi na maaaring pakinggan ang kanyang testimonya. Inaasahang ilalahad ni Trillanes ang mga impormasyong may kaugnayan sa pinagmulan ng mga pondo at mga bagay na nauna na niyang tinalakay sa House Justice Committee.