Naghain si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima ng resolusyon para imbestigahan ang umano’y paglabag sa karapatang pantao at iba pang kakulangan sa mga pasilidad ng Bahay Pag-Asa sa bansa.
Sa House Resolution 1577, nais ni De Lima na matukoy ang lawak ng mga iregularidad at mapanagot ang mga responsable.
Layon din nitong makapagrekomenda ng mga reporma para maprotektahan at matulungan ang mga batang nasasangkot sa paglabag sa batas o Children in Conflict with the Law.
Batay aniya sa ulat ng Commission on Human Rights o CHR, na isinagawa mula Agosto 2024 hanggang Oktubre 2025, kabilang sa mga natukoy na problema ang kawalan ng akreditasyon mula sa DSWD, umano’y pagmamaltrato sa mga bata, kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, edukasyon at rehabilitasyon, gayundin ang kakulangan sa mga tauhan.
Ayon kay De Lima, hindi dapat maging lugar ng dahas at pang-aabuso ang mga Bahay Pag-Asa na dapat sana ay nagsisilbing kanlungan at sentro ng rehabilitasyon ng mga bata.
Nanawagan siya ng mas mahigpit na koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang proteksiyon at maayos na pagbabalik ng mga kabataang ito sa lipunan.