Nakakumpiska ang National Meat Inspection Service Regional Technical Operation Center 1 (NMIS RTOC 1) ng kabuuang 732.58 kilo ng karne at lamang-loob ng baboy na walang kaukulang Meat Inspection Certificate (MIC) sa isinagawang operasyon sa mga bayan ng Mapandan at Laoac noong November 10, 2026.
Agad na idinokumento at iniulat sa mga lokal na himpilan ng pulisya ang mga nakumpiskang produkto bago ito tuluyang ibinaon sa mga itinalagang condemnation sites ng dalawang munisipalidad.
Sinaksihan ang pagbabaon ng mga meat vendors, kapulisan, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan (LGU), at ng NMIS enforcement team upang matiyak na hindi na maibabalik sa pamilihan at makakain ng publiko ang mga naturang karne.
Sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon, patuloy na tinitiyak ng NMIS RTOC 1 na tanging mga ligtas, dumaan sa tamang inspeksyon, at may kumpletong dokumento lamang na mga produktong karne ang makararating sa hapag-kainan ng mga mamimili. | ulat ni Leslie Gemino | RP Tayug


