Ibinasura ng Office of the City Prosecutor ng Muntinlupa ang mga reklamong malicious mischief at alarms and scandals laban sa 233 indibidwal na inaresto ng pulisya noong November 16, 2026.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Spokesperson Polo Martinez, kabilang sa mga inaresto ang 213 nasa hustong gulang at 20 menor de edad.
Sa resolusyong inilabas noong November 17, ibinasura ng piskalya ang dalawang reklamo habang isinailalim naman sa karagdagang preliminary investigation ang mga kasong paglabag sa Public Assembly Act of 1985, resistance and disobedience to authorities, at grave coercion.
Pinayagan din ang mga respondent na magsumite ng counter-affidavit at mga ebidensya para sa kanilang depensa.
Samantala, ibinasura rin ang reklamo laban sa anim na batang wala pang 15-taong gulang na ibinalik sa pangangalaga ng kanilang mga magulang o legal guardian.
Kinumpirma ng piskalya ang pagpapalaya sa lahat ng 20 menor de edad.
Iniutos din ang pagpapalaya sa iba pang respondent habang nagpapatuloy ang preliminary investigation.
Ayon sa pamahalaang lungsod ng Muntinlupa, nagpapatuloy ang proseso ng pagpapalaya sa mga nananatili pang nasa kustodiya.
Naunang naghain ang mga respondent, sa tulong ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), ng urgent motion para ibasura ang mga reklamo at agad silang palayain.