Siyam na suspek, kabilang ang anim na aktibo at dating pulis, ang sangkot umano sa robbery-holdup sa Caloocan City noong November 16, kung saan isang patrolman ang isa sa mga biktima. Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co, nakatakdang makipagkita ang dalawang biktima, isang 37-taong gulang na patrolman at isang 31-taong gulang na negosyante, sa mga suspek para ibenta ang alahas.
Pero binago umano ng mga suspek ang lugar ng pagkikita, at kalaunay, tinutukan na sila ng baril sa harap ng isang convenience store at isinakay sa isang sasakyan. Tinatayang ₱1.2 milyon ang kabuuang halaga ng mga tinangay ng mga suspek, kabilang ang motorsiklo ng mga biktima, tatlong cellphone, 9mm na baril, at gold bracelet na nagkakahalaga ng ₱700,000.
Pagkatapos nito ay ibinaba naman ang mga biktima sa kahabaan ng C.P Garcia Avenue, sa UP Diliman, Quezon City. Kapwa nasa maayos na kalagayan na ang mga biktima. Naaresto na ang isa sa mga suspek na isang aktibong pulis na may ranggong Police Major, na umamin umano sa krimen. Nananatili namang at large ang walong iba pa, kabilang ang limang pulis. Dalawa sa kanila ang naiulat na dismissed at suspended na sa serbisyo.
Sa ngayon, na-inquest na ang naarestong pulis, habang regular filing ang ihahain laban sa mga at large na suspek.
