Nagpasalamat si Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara sa mga guro at field personnel sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ito’y matapos lumabas sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na malaki ang iginanda at ini-unlad ng estado ng basic education.
Batay sa SWS survey na isinagawa mula Setyembre 21 hanggang 27 ng taong ito, nakakuha ng +61 net satisfaction ratings o “very good” ang pagbibigay ng basic education sa elementarya at sekondarya.
Habang +50 naman ang net satisfaction score o “very good” din ang nakuha ng DepEd na nagsasabing umunlad ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon.
Ayon sa DepEd, ito ang pinakamataas na net satisfaction score na nakuha ng Kagawaran na nangangahulugan ng matibay at positibong tiwala ng publiko sa sistema ng edukasyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Bagaman nakatutuwa ang magandang komento mula sa mamamayan, binigyang-diin ni Angara na ginagawa itong inspirasyon ng Department of Education (DepEd) upang higit pang bilisan ang mga reporma at palawakin ang tulong sa sektor ng edukasyon.