Dapat na harapin ni Dating House Speaker Lord Allan Velasco, at ipaliwanag ang pagkakadawit ng kaniyang pangalan sa isyu ng umano’y male-maletang pera na ipinadala kay VP Sara.
Reaksyon ito ni Communications Usec Claire Castro kasunod ng impormasyon na umano’y wala na sa Pilipinas si Velasco.
Paliwanag ni Castro wala kasing ibang makapaglilinis ng kaniyang pangalan kundi mismong si Velasco.
“Ang mas maganda rito kung ang pangalan niya ay nababanggit na sa mga milyon-milyong pera na laman ng male-maletang dinadala di umano sa Bise Presidente, kay Pangulong Duterte at kay Congressman Pulong Duterte mas magandang magbigay siya ng pagpapaliwanag.” —Castro.
Kaya’t makabubuting umuwi na lamang siya ng Pilipinas upang makapagpaliwanag sila ng kaniyang asawa sa imbestigasyon.
Kung inosente aniya si Velasco, hindi na nito kailangan pang lumayo o mangibang bansa.
“Para kung mayroon dapat linisin na integridad especially iyong kanyang pangalan at pangalan ng kanyang asawa ay mas magandang humarap na lang sila sa pag-iimbestiga at hindi kailangang lumayo at mangibang bansa at hindi magpakita.” —Castro. | ulat ni Racquel Bayan