Makikilahok ang tatlong kinatawan ng Presidential Broadcast Service-Bureau of Broadcast Services o PBS-BBS sa isang international media forum sa France ngayong November, matapos magwagi sa CFI Terra Asia Story Competition.
Matapos kilalanin noong Mayo sina Jollie Mar Acuyong bilang first-place winner, gayundin sina Emmanuel John Lazaro at Yenna Pamela Salazar sa ikalawang puwesto sa nasabing kompetisyon, dadalo ang tatlo sa talakayang pinamagatang “CFI Forum: Informing Better, Together” na gaganapin mula November 18 hanggang 19, 2026 sa La Communale sa Saint-Ouen, sa Paris, France.
Inaasahang lalahok sa pagtitipon ang nasa 300 mamamahayag, media professionals, researchers at iba pang kinatawan mula sa humigit-kumulang 60 bansa.
Tatalakayin sa forum ang mahahalagang usapin sa larangan ng pamamahayag, kabilang ang disinformation, artificial intelligence, kaligtasan ng mga media professional, investigative journalism at foreign interference.
Inaasahang magsisilbi itong pagkakataon para sa mga mamamahayag ng PBS-BBS na makibahagi sa pandaigdigang talakayan at mapalawak ang kaalaman sa pagsusulong ng malaya, responsable at mapagkakatiwalaang pamamahayag. | ulat ni Ej Lazaro