Pangungunahan ng Pilipinas ang pagpapalakas ng labor inspection system sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN matapos italaga bilang chairman ng ASEAN Labour Inspection Committee o ALICOM para sa taong 2027.
Ayon kay Department of Labor and Employment Secretary Francis Tolentino, prayoridad ng bansa ang pagpapahusay sa kakayahan ng mga labor inspector, pagpapatupad ng mga pamantayan sa paggawa at pagpapalakas ng proteksyon sa mga manggagawa.
Partikular na tututukan ang fisheries sector, kabilang ang mga manggagawang nagtatrabaho sa karagatan at sa mga exclusive economic zone ng mga bansang ASEAN.
Isinusulong din ng Pilipinas ang cross-border labor inspections sa pamamagitan ng mas mahigpit na koordinasyon sa Philippine Coast Guard at mga katumbas na ahensya sa ibang bansa.
Pag-aaralan din ang mga epektibong pamamaraan ng Malaysia at Indonesia, gayundin ang paggamit ng digital technology para mas mapahusay ang inspeksyon at pagbabantay sa mga lugar ng trabaho.
Ito ang unang pagkakataong pamumunuan ng Pilipinas ang ALICOM sa pamamagitan ng DOLE.
Layunin ng inisyatiba na mapalakas ang pagtutulungan ng mga bansang ASEAN upang matiyak ang maayos na kondisyon sa trabaho at proteksyon ng mga karapatan ng mga manggagawa sa buong rehiyon. | ulat ni Lorenz Tanjoco