Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Japan Prime Minister Takaichi Sanae ang 29th ASEAN-Japan Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City ngayong araw. Dito, tinalakay ang mga mahahalagang paksa na nakasentro sa Regional Security at Geopolitical Alignment, gayundin ang Energy Security and Decarbonization na una na ring natalakay sa 4th Asia Zero Emissions Community Leaders Meeting.
Bukod dito, muling binuksan ni Prime Minister Sanae ang Asian version ng International Energy Agency (IEA), na siyang nakatutok sa ugnayan ng joint stockpiling, oil reserve infrastructure at emergency release protocols. Layunin nito na makatugon ang ASEAN sa paggalaw ng suplay ng langis bunsod ng malikot na suplay ng langis sa Gulf region. Tinalakay din ang Clean Energy at Grid Transition, kung saan, inaasahan na mag-a-adopt dito ng joint research initiative para sa carbon neutrality goals.
Sa talumpati ni Pangulong Marcos, kinilala nito ang mahalagang papel ng Japan sa ambag nito para sa pag-unlad ng rehiyon. Katuwang aniya ng ASEAN ang Japan sa paglaban sa iba’t ibang transnational crime, gayundin sa pagtataguyod ng hustisya. Bukod dito, kinilala rin ng ASEAN, ayon sa Pangulo, ang ambag ng Japan sa Energy Security, suporta nito sa Food Security at pagpapaunlad ng edukasyon.
Sa panig naman ni Prime Minister Takaichi, nagpasalamat siya sa ASEAN nations sa pagtanggap at pagsuporta sa kanilang bansa. Binigyang-diin din ng Punong Ministro ang pagpapatatag sa suplay ng mga mineral at pagsusulong ng mga inisyatiba sa Artificial Intelligence at Disaster Response. Kapwa umaasa sina Pangulong Marcos at PM Takaichi sa matatag na ugnayan ng Japan sa mga bansang kasapi ng ASEAN.
