Ipinamahagi na ngayong araw, Martes, Nobyembre 17, 2026, ang mga opisyal na balota at iba pang kagamitan sa halalan para sa darating na November 28, 2026 Special Election para sa pagka-Kongresista ng Lone Legislative District ng Batanes.
Sinimulan ang dispatch o pamamahagi ganap na alas-9:30 ng umaga sa Provincial Capitol grounds sa Basco, Batanes.
Pinangungunahan ng COMELEC Batanes at Office of the Provincial Treasurer ng Batanes ang distribusyon ng mga Official Ballots, Election Returns, at iba pang accountable at non-accountable election paraphernalia, forms, dokumento, at supplies para sa anim na Municipal Treasurers sa buong lalawigan, na kinatawan nina Christian Anthony B. Bayaras, Municipal Treasurer-LGU Mahatao at Acting Municipal Treasurer-LGU Sabtang; Henedina Y. Hisona, Municipal Treasurer-LGU Uyugan; Analiza D. De Sagon, Acting Municipal Treasurer-LGU Itbayat; Daryll Keyth Batallones, Municipal Treasurer-LGU Ivana; at Hino Jesus A. Cielo, Municipal Treasurer-LGU Basco.
Nakaantabay at sumaksi sa nasabing aktibidad ang mga Election Officers, ilang kawani ng pamahalaan, at miyembro ng media, kabilang ang Radyo Pilipinas Batanes. Nakaalalay din sa seguridad at kaayusan ang Batanes Police Provincial Office (PPO) upang matiyak ang ligtas na distribusyon ng mga kagamitan sa halalan sa bawat kinatawan ng mga munisipalidad.