Posibleng mailabas na sa December ang hatol sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, sakaling matapos ng depensa ang pagharap sa natitira nitong walo hanggang sampung testigo sa loob ng susunod na dalawa hanggang tatlong linggo.
Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon,maaaring matapos ng kampo ni VP Sara ang paglalatag ng ebidensya sa katapusan ng Nobyembre o sa unang linggo ng December.
Aniya, kapag nangyari ito, makakausad na ang Senate impeachment court sa huling bahagi ng paglilitis, kabilang ang formal offer of evidence, tugon ng prosekusyon, at closing arguments.
Nakatakdang magpatuloy ang pagdinig ng Senado sa November 19 at 20.
Inaasahang maghaharap pa ang depensa ng iba pang testigo upang pasinungalingan ang paratang ng prosekusyon na unexplained wealth.
Nanawagan din si Ridon sa publiko na antabayanan ang pagtatapos ng paglilitis at hayaang ang mga ebidensya at testimonya ang manaig sa magiging pasya ng Senado. | ulat ni Melany Reyes