Naghain ng protesta ang Tokyo nitong Martes laban sa Moscow matapos na mamanmanan nito ang umano’y pagpasok ng dalawang Russian aircraft sa kanilang airspace.
Ayon kay Japanese Chief Cabinet Secretary Minoru Kihara, pumasok sa himpapawid malapit sa Fukuoka Prefecture ang dalawang Russian aircraft – aksyon na aniya’y seryosong paglabag sa soberanya ng Japan.
Dagdag pa ng opisyal, hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng mga nasabing eroplano at hinikayat ang Moscow na iwasan na ang kahalintulad na aksyon sa hinaharap.
Hindi naman nagbigay ng detalye ang Japanese Defense Ministry sa kung anong uri ng eroplano ang kanilang namanmanan bukod sa pagtiyak na nagsagawa ito ng mga hakbang gaya ng pagpapalipad ng fighter jets, pag-iisyu ng babala, at pagsigurong nakalabas ang Russian aircraft sa kanilang himpapawid.
Ang insidente nitong Martes ay ang pinakabago mula sa huling kumpirmadong airspace violation ng Russia noong Setyembre ng 2024.