Iginalang ni TINGOG Party-list Representative Jude Acidre ang naging desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng Republic Act 12021 o ang Magna Carta of Filipino Seafarers.
Nitong Lunes, idineklarang unconstitutional ng Kataas-taasang Hukuman ang probisyon sa batas na nag-oobliga sa mga mandaragat na maglagak muna ng bond bago maipatupad ang pinagtatalunang monetary awards habang nakabinbin ang apela.
Pinawalang-bisa rin ng korte ang mga bahaging nagtatakda ng limitasyon sa bayad sa abogado at legal representation, habang pinagtibay na nananatiling epektibo ang kabuuan ng batas.
Ayon kay Acidre, na isa sa mga pangunahing may-akda ng batas at dating pinuno ng House Committee on Overseas Workers Affairs, dumaan sa masusing pag-aaral ang mga naturang probisyon upang balansehin ang kapakanan ng mga marino at ang pagiging competitive ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado.
Sa kabila ng desisyon, iginiit ng mambabatas na dapat manatiling sentro ng implementasyon ng batas ang makatarungang access sa hustisya para sa mga seafarer at kanilang pamilya.
Kasabay nito, nanawagan din si Acidre ng patuloy na pagbabantay laban sa “ambulance chasing” at mga mapagsamantalang abogado na ginagamit ang kagipitan ng mga mandaragat para kumita. | ulat ni Melany Reyes