Isinusulong ngayon ng Pilipinas ang maraming trabaho at pamumuhunan mula sa Japan
Ito ay matapos makipagpulong si Finance Secretary Frederick Go kay Japan External Trade Organization o JETRO Chairman Norihiko Ishiguro upang talakayin ang mga bagong oportunidad sa negosyo na makatutulong sa paglago ng mga lokal na kumpanya.
Sa naturang pulong, ibinida ni Secretary Go ang mahuhusay na manggagawang Pilipino at ang mga reporma sa pamumuhunan, gaya ng CREATE MORE Act na nagbibigay ng mga insentibo sa buwis para sa mga negosyong magpapalawak sa Pilipinas.
Binanggit din ng kalihim ang tuloy-tuloy na pagpapaunlad sa imprastraktura at mas mahabang pag-upa ng lupa o longer land leases.
Tinalakay din ang malaking potensyal sa advanced manufacturing, artificial intelligence o A-I, at mineral processing—partikular ang plano para sa isang manufacturing hub sa New Clark City, pati na rin ang malapit na access ng Clark at Subic sa paliparan at daungan.
Kasabay nito, nilinaw din ni Secretary Go ang pagkakaiba ng mga insentibo sa ilalim ng CREATE MORE para sa mga negosyong nakatuon sa pag-export at sa mga nagseserbisyo sa lokal na merkado. Ipinahayag din ni Chairman Ishiguro ang malaking interes ng kanilang bansa sa domestic demand.