Target ng Department of Transportation o DOTr na mapakinabangan na ng publiko ang unang bahagi o segment ng North-South Commuter Railway (NSCR) na mag-uugnay sa Valenzuela hanggang sa Malolos, Bulacan sa unang kwarter ng taong 2028.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni DOTr Secretary Vince Dizon ang pangangailangang mapabilis at masimulan na ang operasyon ng proyekto sa lalong madaling panahon, kung saan mariin niyang sinabi na kailangang magamit na ito ng mga mamamayan.
Ayon kay Secretary Dizon, pumalo na sa halos 90 porsyento ang antas ng konstruksyon ng mga depot at mga istasyon sa ilalim ng nasabing bahagi ng riles.
Kabilang sa pitong pangunahing istasyon na nakatakdang buksan sa unang bugso ng operasyon ang mga sumusunod: West Valenzuela, Meycauayan, Marilao, Bocaue, Balagtas, Guiguinto at Malolos.
Inaasahang malaki ang maitutulong ng proyektong ito upang maibsan ang siksikan at mabigat na daloy ng trapiko, pati na rin ang pagbibigay ng mas mabilis, ligtas, at komportableng alternatibong transportasyon para sa mga pasahero mula Bulacan patungong Kalakhang Maynila at vice versa.