Tuluyan nang inilipat sa buong pamamahala ng Department of Transportation o DOTr ang operasyon ng EDSA busway, kasabay ng paglabas ng pondo para rito, ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon.
Binigyang-diin ni Dizon na tapos na ang paglipat ng operasyon ng busway sa ilalim ng kanilang kagawaran at tiniyak na magiging tuloy-tuloy na ang pondo nito hanggang sa taong 2027 upang hindi na maantala ang serbisyo sa mga mananakay.
Kasabay nito, ibinahagi rin niya ang pagtatalaga ng bagong opisyal na papalit sa dating Assistant Secretary na siyang nangangasiwa noon sa Special Action and Intelligence Committee for Transportation o SAICT at sa operasyon ng busway.
Hiniling din ng kalihim na isama at ipailalim na rin sa direktang pamamahala ng DOTr ang mga footbridge na nakakabit o bahagi ng mga istasyon ng busway at MRT.
Ayon sa kanya, mahalaga ito upang magkaroon lamang ng iisang ahensya at iisang taong direktang mananagot sa tuwing may problema o reklamo ang mga commuter.
“Pag may problema, pag mayroong reklamo ang mga commuter natin, isa lang ang sisisihin niyo: ako. Wala nang iba. At ako, aaksyunan ko kaagad ‘yan,” pahayag ni Dizon.
“Kailangan there’s only one accountable organization and only one accountable person, and that person is me,” dagdag pa ng kalihim.
Sa huli, pinawi rin ni Dizon ang anumang intriga kaugnay ng mga pagbabago sa pamunuan at iginiit na nakatuon lamang ang kanyang buong ahensya sa trabaho at pagpapabuti ng pampublikong transportasyon.