Hinimok ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso ang mga gobernador at alkalde mula sa Southeast Asia na isalin sa mga konkretong programa at serbisyo publiko ang mga layunin ng ASEAN Community Vision 2045.
Sa pagbubukas ng ASEAN Governors and Mayors Forum ngayong Nobyembre 18 sa Ramon Magsaysay Center sa Maynila, binigyang-diin ni Domagoso na mahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagsasakatuparan ng mga plano ng ASEAN.
Ayon sa alkalde, dapat maramdaman ng mga mamamayan ang benepisyo ng kooperasyon ng ASEAN sa pamamagitan ng mas maayos na serbisyo publiko, ligtas na komunidad, mas maraming trabaho at pantay na oportunidad.
Tinukoy rin nito ang mga hamong kinakaharap ng mga lungsod tulad ng climate change, kalamidad, kahirapan, problema sa kalusugan at pagsisikip ng mga urban area.
Ibinahagi rin ni Domagoso ang mga programa ng Maynila sa abot-kayang pabahay, edukasyon, kalusugan, disaster preparedness at pagsasaayos ng mga pampublikong lugar.
Iginiit ng alkalde na mahalagang magbahaginan ng mga karanasan at matagumpay na programa ang mga lokal na pamahalaan upang makahanap ng mga solusyong angkop sa kani-kanilang komunidad.
Kasabay nito, inilunsad sa forum ang inisyatibang Localising ASEAN Community Vision 2045 upang maisakatuparan sa antas ng mga lungsod at lalawigan ang mga pangmatagalang layunin ng ASEAN.