Hindi tumitigil sa pakikipag-ugnayan ang Department of Transportation (DOTr) sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang matiyak ang maayos at tuloy-tuloy na operasyon ng EDSA Busway.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, pinabibilisan na niya ang proseso ng paglalaan ng pondo para sa maintenance at pagkukumpuni ng mga pasilidad sa EDSA Busway.
Habang wala pang nakalaang budget, sinimulan na rin ng kagawaran ang pagsasaayos ng mga hindi gumaganang elevator at escalator upang mapagaan ang pagbiyahe ng mga pasahero, partikular ang mga senior citizen, persons with disability, at iba pang commuter na nangangailangan ng naturang pasilidad.
Tiniyak naman ni Dizon, na kabilang sa mga prayoridad ng DOTr ang mabilis na pagkukumpuni ng mga pasilidad at pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa operasyon ng busway.
Batid ng kalihim na malaking bahagi ng mga commuter ang umaasa sa serbisyong ibinibigay ng busway, kaya naman puspusan na rin ang kanilang pagtutok dito alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas gawing mas maginhawa ang public transport experience ng mga commuter.