Hinihiling ng House prosecution panel na personal na humarap at magpaliwanag si Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga kwestyonableng detalye sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), malalaking deposito sa bangko, mga ari-ariang hindi umano idineklara, at ang kanyang interes sa kumpanyang GenCorp Industries Inc.
Ayon kay legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., muli silang nananawagan na tumestigo si VP Duterte sa Senate impeachment court dahil siya ang personal na pumirma at nagsumite ng nasabing mga dokumento.
Batay sa mga dokumentong iniharap sa impeachment court, lumilitaw na walang idineklarang cash on hand o bank deposits si Duterte sa kanyang mga SALN mula 2019 hanggang 2025, sa kabila ng bank records na nagpapakita ng malalaking halaga sa mga account na naiuugnay sa kanya at kay atty. Mans Carpio.
Tinataya naman ng forensic accounting expert ng prosekusyon na si Alexander Cabrera, na aabot sa hindi bababa sa ₱817.87 milyon ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman at mga hindi idineklarang ari-arian ng Bise Presidente mula 2022 hanggang 2025.
Nauna nang kinumpirma ni GenCorp corporate counsel Suzette Balucanag-Punay sa pagdinig ng depensa na nakatanggap si Duterte ng tinatayang ₱2.14 milyon mula sa kumpanya sa pagitan ng 2022 at 2025.
Tiniyak ni Tolosa na nakahanda ang prosekusyon sakaling magdesisyon ang depensa na iharap si VP Sara Duterte bilang testigo.
Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon ang kampo ni VP Sara kung isasalang siya sa witness stand bilang bahagi ng kanilang estratehiya sa paglilitis, habang nakatakdang ipagpatuloy ng Senate impeachment court ang mga pagdinig bukas, November 19.